Madali mo lang ako mahahanap. Nandito lang ako sa Sta Mesa. Palakad-lakad. Pabalik-balik sa pare-parehong ruta araw-araw.
Hindi mo na kailangan magpakalayo-layo kase hindi naman ako umalis. Nandito lang ako. Sa Sta Mesa. Madali mo kong mahahanap.
Ang probability na makasalubong mo ko siguro ay 60%. Kase maliit lang naman ang Sta Mesa. Feeling ko nga, nakita mo na ko, hindi mo lang ako pinansin. Oks lang. Wala rin naman akong masasabi kung sakaling magkasalubong tayo. Hindi ko rin magagawang kamustahin ka. Kaya mainam na rin na kung sakaling nakita mo ko mula sa malayo, hayaan mo lang ako lumampas.
Yung puso ko umuusad na, dahan-dahan. Medyo malayo na rin ang narating. Pero ang katawan ko ay nandito lang pa rin sa Sta Mesa. Manhid na sa mga ala-ala na dapat ng di alalahanin. Kase bawat kanto, may ala-ala. Pero malayo na rin ako dun. Palayo na ko sa mga ala-ala. At marami ng bagong ala-ala ang bawat pasilyo at kalye dito. Iba na rin ang simento ng kalsada ng Pagasa Extension kung hindi mo natatanong. Yung mga pamilyar na mukha ng mga kapitbahay sa labas, nandyan pa rin sila. Nakikipag-ngitian pa rin. Naisip ko, halos walong taon na pala akong dumadaan-daan sa harap ng bahay nila. Ilang beses na nila kaya akong nakita malungkot, masaya, pagod o tulala?
Pero hindi ako umalis. At hindi ko alam kung kailan ako aalis. Masaya pa ko dito sa Sta Mesa. Nandito lahat ng kailangan ko. Nasa kanan ko ang Mandaluyong. Nasa kaliwa ko ang Divisoria. Nasa harapan ko ang mga bus papuntang Rizal. At nasa likod naman ang Makati at Taguig. Abot kamay lahat dito.
Kaya abot-kamay mo rin ako. Kung ilalatag mo ang braso mo, maabot mo ko nang walang kahirap-hirap. Hindi mo kailangan ng waze o Google Map dahil sigurado naman ako kung saan mo ko matatagpuan. Sa saktong upuan ng mga kilalang coffee shop. Sa last full show ng lumang amoy ng sinehan. Sa foodcourt kung saan tayo unang nagpasko.
Hindi. Hindi ito reminiscing. Pero sige denial ako. Pero yun naman ang totoo. Na nandito pa rin ako.
Yung mundong iniwanan mo, bakante pa rin naman. At katuwang ng puso ko, hindi ka naman namin inaantay. Pero kung sakaling nasa malapit ka, at may naalala kang masayang ala-ala dito sa Sta Mesa, gusto ko lang sabihin sayo madali mo kong mahahanap.
Wala namang pilitan. Wala rin namang umaasa. Kumbaga, FYI lang naman. Kumbaga sa email, pwede mong iwan na unread. Isang harmless reminder na commitment-free.
Palakad-lakad lang naman ako dito sa ordinaryong araw. Gym, mall, bangko, 7-11, coffee shops, grocery. Rewind.
Kaya hindi ka mahihirapan.
Sasakay ka lang ng jeep gaya ng nakasanayan mo noon, at bababa ka sa kanto ng VMapa. Lalakad ng konte. Aakyat sa 5th floor. At kakatok. Nandun ako, lilingon patalikod habang nakaupo. Suot ang pambaba kong puti at topless dahil summer ngayon. Nakabukas ang Netflix. At patatabihin kita ulit sa binili kong sofa na 2 years old na rin pala this year. Hindi muna tayo mag-uusap. Kase baka nanonood ako ng Rupauls. Antayin natin matapos yun.
Tapos tyaka tayo lalabas. At maglalakad ulit sa lansangan ng Sta Mesa. Hindi man gaya ng dati. Pero sasalungbingin ka ng Sta Mesa na parang hindi ka umalis. Na parang hindi ka nawala ng isang taon.
Maalinsangan ang hangin sa Sta Mesa. Pero nandito pa rin kami ng puso ko. Kelan ka ulit dadaan?