Solo Nights Reflections

Madalas akong tanungin ng mga lokal o di kayay mga kasabayan ko sa bundok kung bakit mag-isa akong umaakyat. At bakit overnight.

Una, hindi talaga ako ng fan ng dayhike. Yung aakyat at baba sa loob ng 12-24 hours. Hindi ko alam. Basta hindi ako masaya sa ganon. Mas ramdam ko ang pagod. Mas naaalala ko ang sakit ng mga binti kesa ang mismong experience. May mga taong umaakyat ng bundok ” to conquer the mountain” and that’s all. Hindi yata ako ganun. Mas gusto kong natutulog sa summit. Mas gusto kong naglalatag ng tent at nagsasalansan ng mga gamit at maya-mayay magluluto ng dinner sa portable cooker.

Sa ilalim ng buwan. Sa ilalim ng stars. Sa ilalim ng matatayog na mga puno. Yung tipong parang humihinto ang “surviving” part ng buhay. At nagiging “living” lang, kasabay ng mga ingay ng kung ano-anong insektong nagtatago sa dilim ng mga makakapal na damuhan. Walang multo, pawang mga kuliglig o kulisap lang na sasamahan ka sa buong magdamag.

Malamig ang hangin. Humahampas nang malaya. Bumubulong ng katahimikan. At kumakalma ng napapagal na katawan. Ginagamot ang pusong may gasgas at ipinagpapahinga ang isip na laging tumatakbo.

Sa tuktok ng bundok kapag gabi, walang signal, walang social media, para bang nasa ibang dimensyon ang isip mo. Mas nakakausap mo ang sarili mo. Mas nakakapag decide ka para sa mga susunod na araw. Para bang mas malinaw ang lahat. Hindi man buo minsan, pero at least malinaw ang unahan.

Yung mga tanong na di mo masagot sa kapatagan, tutulungan ka ng bundok na mahanap ang sagot. Minsan kase ang sagot sa mga tanong, either alam na natin or di kayay nasa atin din. Distracted lang tayo kaya hindi natin yun mahagilap. Tuwing gabi sa tuktok ng bundok, malaya kang humalukay ng kasagutan, magugulat ka nalang, all this time, alam mo pala yung sagot. At sa bundok sa gitna ng gabi mo yon natuklasan.

Sa jump off palang, madalas magtatanong na sila, “bakit mag-isa ka lang?” At minsan mahirap sagutin yon. Pwede kong sabihin na “eh kase freelance ako at Wednesday ngayon, may mga pasok sila.” Pero yung totoong sagot, heto yon. Sinusulat ko ngayon dito habang nasa summit ako ng Mt Lubo.Madalas ang hula nila ay “may pinagdadaanan”. Pwedeng tama, pwedeng mali. Pero ang pinaka-simpleng sagot ay, “dahil gusto kong makapag isip-isip” which is kelan man ay hindi ko nagawang isagot.

Sa itaas ng bundok kapag gabi, walang ibang pain kundi pain sa binti. Yung ibang pain naiiwan sa kapatagan. Naiiwan kasama ng polusyon sa Maynila na alam mong babalikan mo rin naman kinabukaan. Hindi sumasama sa bundok ang ibang pain. Walang sadness. Walang rejection. Walang feeling of abandonment. Walang conflict. Walang pressure. Walang judgement. Ang tanging meron lang ay mga damuhan sayong paa, himig ng simoy ng hangin, awitin ng mga kuliglig sa dilim, ilaw ng iyong led lamp at manaka-nakang eroplanong dumadaan sa langit.

Katahimikan. Kapayapaan. Dalawang bagay na madalas sa panahon ngayon ay mailap, natatagpuan ko solo overnight sa bundok.

Comments

comments

Comments are closed.