Ito ang aking School ID. Isa yan sa mga highlight ng college life ko.
Technically, hindi na ‘yan valid pero mula ng bumalik ako sa PUP, masaklap mang sabihin, ‘yan pa rin ang ginagamit ko para makapasok sa gate. Buti nalang at hindi naman tinititigang mabuti ng mga sekyu ang ID ko dahil tiyak na maakusaahan akong gumagamit ng ID ng iba pag nagkataon. Makailang beses din nakwestyon ang aking pagkatao dahil sa ID na ‘yan. Minsang ginamit ko ‘to para kumuha ng pera sa LBC, nakipagtalo pa ko sa counter para lang makumbinsi na ako nga ang nasa picture at valid pa rin ang ID dahil iyon ang ginagamit ko sa school. Nagkataon namang aware ang taga LBC sa bagong ID ng PUP kaya pinagpawisan pa ko para lang mai-release ang pera. Nung araw na iyon kase, nawawala ko ang Postal ID na lagi kong gamit sa money transffer kaya napilitan akong ipaglaban ang aking dakilang PUP ID.
Minsan ko na ring ginusto ng bagong ID noong nakaraang first sem kaya nagpa-Lost ID ako sa student services ng paaralan. Iyon lang kasi ang tanging paraan para magkaroon ng bago at validated na ID. Pero para ka palang nahuli ng MMDA kapag magpapa-issue ng duplicate ID. Gagawa ka ng letter na nagso-sorry ka sa pagkawala, affidavit na totoong nawawala ang ID, papipirmahan sa guardian o parent, sa dean o chairperson, magbabayad ng penalty fee, then magpapa-sign sa legal office ng school, tapos sa guidance office, at ang huli ay balik sa Student Services, bago ka palang makakapag-pa-picture. But wait! There’s more! Hindi ko pa nabanggit ang community service na ire-render mo ng mga 4 na oras.
May tatlong misteryo ang lumang ID na yan:
Ang Picture. Ilang pang-aalispusta at pagyurak ng aking pagkatao na ang naransan ko dahil sa picture ko sa ID. Haha. Pero kahit naman ako, ganon din ang opinyon. Huggard kasi ang proseso ng enrolment dati. World-record sa pagpapa-pila ang PUP. Pila dito, pila doon at akyat-baba sa mga hagdan. Nang turn ko na para magpapicture, nakaaway ko pa yung nasa likuran ko sa pila sa hindi ko na matandaang dahilan. Kaya yung pagkabadtrip ko sa kanya ay nagreflect sa picture. Dati ang background ng picture ay ang kulay ng college na eenrolan, taliwas ngayon na lahat ay white backgound na at wala na ring pangalan na hahawakan para magmukha kang wanted. At payat talaga ako dati. Mahirap nang idescribe yun.
Ang Student Number. Hanggang ngayon na graduating na ko, hindi ko pa rin alam kung ano ang tamang student number ko. Sa ID,
2K4-021935-1 pero ang lumalabas sa mga registration cards ko ay
2k4-021935-6. Hindi na ko narin ako nag-exert ng effort para alamin pa kung ano ang tama, hindi naman daw magiging malaking problema yun. Sabi lang.
Ang Barcode. Actually, si Noel na graduate ng IT sa school, ang nag-emphasize nyan sa kin. Ano nga ba ang barcode na makikita sa ilalim ng ID? Ito ba yung sistema para ma-validate kung authentic nga ang ID mo at hindi gawang Recto? Sabi ni Noel, diyan daw malalaman yung presyo mo pag pina-scan mo sa SM.
Oo, marami nang napagdaanang pagsubok, pighati, pag-aalispusta at deskriminasyon ang luma kong ID mula sa mga kaklase ko, kachurch, katrabaho, kunduktor ng bus at jeep o ng taga LBC. Pero kahit gayun pa man, matayog pa rin ito. Matibay. Hindi natutuklap. Hindi kumukupas. Hindi na-Ondoy. Minsan nang nasama sa bag na nasnatch noong 2nd year ko, pero binalik naman sa kin makalipas ang tatlong araw. Proud ako sa ID na yan.
Ang bagong ID.
Ngayon, mas madali ang proseso ng pagkuha ng bagong ID. Hindi ka na gagawa ng anumang letter or magrerender ng community
service. Tamang papirma nalamang sa mga kailangang tao at konting tyaga para makapila at makapagpa-picture sa limited edition na ICT na first 30 students lang ang pwedeng picturan kada MWF. At hanggang ngayon, ang bagong lay-out ng PUP ID, may barcode pa rin.
Comments
comments