2 INCHES

Isa sa mga ayaw ko sa mundong ito eh ang rush hour. Buhat palang nang mag college ako sa PUP at nadiskubre ko ang realidad ng Maynila, kinasuklaman ko na ang sitwasyon ng lansangan pagsapit ng alasingko ng hapon hanggang mga alaswebe ng gabi. Hindi ko naman topic dito ang tungkol sa traffic. Pero may isang bagay na tumtulong sa kin upang makayanan ang rush hour.

Siguro mga isang oras din kaming naghintay ng katrabaho kong si Eds kanina ng masasakyan pauwi, bandang 8:10pm. Matagal. Hindi maubos-ubos ang pasajerong naghihintay din tulad namin sa kahabaan ng Meralco Avenue. Dagsa. Parang may parada ng mga taong pagod at uwing uwi na. Pero wala namang choice. Patuloy lang kaming nagkwentuhan ni Edz habang nakaupo sa isang mataas na gutter.

Pero sa pagkainip ko, tumayo narin ako. Isang minuto palang ang nakakalipas ng may dumaang Sarao jeep byaheng Antipolo Simbahan. Walang nakasabit. Lumampas ng konti sa harapan namin ni Edz ang jeep. Pero kumaripas na ko ng takbo at humawak na sa pinto. Kasunod ko si Edz. Marahil, ito ang pinakadelikadong pagsabit na ginawa ko. Wala akong matapakan dahil puno na ang gitnang pintuan ng jeep. Patuloy lang ang byahe. Wala ring hawakan sa bubong. Pakiramdam ko, 2 inches lang ng paa ko ang nakatapak sa tapakan at 5 centimeters lang ang nipis ng hinahawakan kong yero.

Masakit sa kamay. Masakit din sa paa. Pero mas masakit ang makita mo ang katabing sasakyang jeep na patok at maluwang sa loob. Parang gusto mong lumipat alang alang sa comfort zone. Pero maiiba ka nga lang ng uuwian. Halos nakilatis ko naman ang ibat-ibang usong kotse ngayon. May napansin pa kong magandang babae sa kabilang jeep. Nagulat si Edz dahil marunong daw akong tumingin ng maganda. Sabi ko, “ang kinis kasi ng mukha nya… parang sa kin.”
Ilang sandali naman nakipag kaway pa kami ni Edz sa isang G-Liner bus na siksik din ng mga taong pauwi. Sa kabilang banda, kung saan-saan din umabot ang kwentuhan namin. At ilang uri ng pagkapit na rin ang nagawa ko wag lang mahulog sa dakilang Sarao jeep na yon.

Sa wakas, sa kalagitnaan ng byahe, nakakuha rin ng mauupuan. Hindi naman ito ang unang beses kong sumabit. Hindi rin naman yun big deal. Pero naisip ko lang na kung kelan hindi ako komportable, doon ako maraming nadiskubre. Hindi biro sumabit. Pero mas hindi yata biro kung hirap ka na nga sa pagsabit eh sasabihin pa ng konduktor sa binayad mo, “boss kulang pa ng dos to.” Sabi yun ni edz.

Pero isa lang ang masasabi ko, ayoko nang magpa abot ng rush hour.

Comments

comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *