Sa sobrang bilis ng panahon, magugulat ka nalang na kaarawan na pala ng kaibigan o ng kamag-anak mo. Madalas kasi tayong abala kaya madalas din tayong magulat sa mga pagbabago, sa pagtanda, sa paglipas ng panahon. Parang mga 2 years ago lang nang makalahok ako sa 1st Docuseminar ng I-Witness, ang longest running documentary program sa Philippine TV ng GMA7. Pero na-realize ko, 2008 pa pala yun. Anim na taon na ang nakalipas.
Kumbaga, isa akong Noranian or Vilamanian ng I-Witness. Sa panahon kasi na sandamakmak ang teleserye at sa panahong kailangan natin ng matalinong panghuhusga sa mga problema ng lipunan, ang mga programa sa media, gaya ng I-Witness, ang kailangan natin. Malaki ang epekto ng telebisyon sa pag-iisip ng average na tao. Kaya malaki din ang responsibilidad ng media na bigyan tayo ng illektuwal na panoorin. Yun nga lang, kadalasan, hindi patok sa masa ang mga news & public affairs shows. Pili lang ang market. Mas mabenta pa rin ang mga sampalan at pakikiapid sa primetime. Nandun kase ang mga advertisers. Kumbaga, may pera sa basura.
Sa panahon na nagsimula ang I-Witness, isa itong sugal. Wala pa masyadong pinoy na nakakaalam kung ano ang “dokyumentaryo”. Ito rin ang sinabi ni Sir Howie sa anniversary event ng nasabing program na ginanap sa National Bookstore, SM Megamall kahapon. Oo, kinse ayos na ang I-Witness. Kaya kahit mahirap gumising sa isang umaga ng malamig na Sabado, na madalas ay pambawi ko ng puyat, sinikap kong makarating. Sinubukan ko rin kontakin ang mga naging kaibigan ko sa docuseminar noon. Pero mga abala sila at walang makakarating. Buti at ako nama’y walang lakad sa araw na ‘yon. Sakto.
Dinaluhan ng halos isang daang manonood at tagasubaybay ang event. Medyo late kami ng kasama ko, pero ayos lang. Maliit lang ang venue kaya mas intimate ang set-up. Hindi naman kasi ang KathNiel o ang JaDine ang mga bisita para dumugin ng mga jejekids. Naabutan namin na Q&A na. Tanong, sagot. Tanong, sagot. Konting tawanan. At mga palakpakan. Kumpleto ang apat na hosts na sila Jay Taruc na ang specialty ay ang pagganap sa buhay ng mga dinodokyumentaryo niya, si Kara David na kadalasang paksa ang mga musmos, si Howie na mahusay sa kasaysayan at kultura at si Sandra Aguinaldo na palaban sa mga dokyu ng digmaan at sigalot.
Buti at nakahabol ako at huling nakapagtanong. Kinontrata ko na ang microphone sa intern na taga Lyceum of Laguna. Sila yata ang mga tumulong mag-organize. Pero sa totoo lang, wala naman talaga akong balak magtanong. Gusto ko lang verbally i-congratulate ang team sa patuloy nilang pagmulat sa mga tao ng katotoohanan. Sa patuloy nilang paghahatid ng mga istoryang humuhubog ng opinyon. Mga istoryang naging instrumento upang ang bulag ay makakita at ang bingi ay makarinig. Mga istorya ng katatagan at pag-asa.
Natapos ang event sa auto-graph signing at picture-taking. Ano pa nga ba ang gawain ng isang fan? Magpapirma at magpapicture. Mula sa mga estudyante na karamihan ay MassComm, sa ilang pamilya na dumalo at sa mga kagaya kong indibidwal na tahimik na sumusubaybay at nagbabantay, isa lang naman siguro ang hiling namin. Na magpatuloy ang pagtuklas sa mga kwento na dapat malaman, makita, marinig at maintindihan ng maraming tao.
Other photos:
Officially fanboy-ing at the I-Witness 15th yr anniversary event yeterday. Buti nag-upload na sila ng pics. Haha. Blogged it www.alexanderduca.com #iwitness15 A photo posted by Alexander Duca (@dakilangduca) on