“Kahit papaano naa-appreciate ko rin ang lugar kung saan ako ipinanganak. Iba ang hitsura ng buwan at mga bituin sa probinsya, mas maliwanag…”
SPOILER ALERT. Aaminin kong ilang beses ko nang sinubukang tapusin basahin itong librong to, pero ilang beses din akong nagsimula, at nabigo. At ngayong gabing ito, natapos ko din. Hindi ko na nga matandaan kung kelan ko nabili yung libro. Sa palagay ko, mga 2011 pa yata. Basta, matagal na. Bago pa ko grumaduate noong 2012, nasa akin na siya ng matagal. Ilang tao na rin nga ang napahiram ko nito at nauna pa silang matapos sa ‘kin. Pero noong Linggo, napagdesisyunan ko nang simulan at tapusing basahin sa lalong madaling panahon. Sa totoo lang, marami pa kong librong nasimulan at hindi ko pa rin natatapos hanggang ngayon. Siguro dahil ayoko lang talagang tapusin dahil wala na kong susundan pagkatapos.
Pero malala ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan. Ito ang ikawalong aklat ni Bob Ong. Nilimbag noong 2010 at naiiba dahil sa kanyang genre. Aakalain mong normal na pocket book-sized na libro lang siya. Tungkol ito sa kwento ni Galo. Isang typical na college student na kinupkop ng kanyang Tiyahin at Tiyohin sa Maynila upang pag-aralin. Dala ng ilang pagsubok sa pakikisama sa kanyang Tiyahin at mga pinsan, napadpad pabalik sa probinsiyang kanyang sinilangan si Galo upang muling makasama ang lolang nagpalaki sa kanya. Sa probinsya ng Tarmanes, isang liblib na isla (tawid-dagat daw ito ayon sa libro) walang kuryente at payak ang pamumuhay. Dito, unti-unting nakilala ni Galo ang mga kaibigan ni Mama Susan.
“Hindi mo ba narinig yon, Galo?”
“Yung alin po?” Tanong ko.
“Ang iyak ng mga batang isisilang pa lamang. Mula sa hinaharap. Nagsusumigaw ang parating na henerasyon… nagmamakaawa at humihingi ng tulong!”
Nakaka-nostalgic ang settings ng libro. Ang kwento ni Galo ay magbabalik sa atin sa panahon ng ating kabataan, kung kailan maraming oras pa ang mga bata maglaro sa labas, magbasa at sumulat. Ito yung panahon na kinatatakutan ang Y2K bug. Nagsimula noong September 28, 1998 at natapos ng March 26, 1999. Isinulat ang kwento sa pamamagitan ng mga journal entries bilang project ni Galo sa paaralan na kalaunan ay naging libangan na rin niya. Kinwento ni Galo ang pang-araw-araw na buhay niya sa eskwela, sa pamilyang kanyang pinakikisamahan, sa kanyang lovelife at sa kanyang pinagmulang pamilya. Heto yung panahon na uso pa ang ballpen at papel para iparating ang nasa saloobin mo sa isang tao. At marahil, dahil isinulat niya ng mismong tauhan ng kwento, mas ramdam mo kung gaano kabigat o kagaan ang mga nangyayari. Para kang nakapulot ng diary. Mahusay magsulat si Galo at ilang beses din siyang nagtamo ng pagkilala sa ewskwelahan, kaya madali mo ring maiisip ang lugar, tunog at kilos na pinaparating niya sa kanyang mga kwento.
“Pero nung mga sandaling yon lumangitngit na ang sahig ni Mama Susan. Alam kong gising at nakatayo na ang matanda. Halos kasabay noon, tumunog din ang sahig sa kwarto ng labindalawang imahen, tunog ng hinatak na upuan, parang yung pagtatayo na yung taong tapos nang kumain.”
Sabi ng mga kaibigan kong nakabasa, nakakatakot daw ang kwento. Sa ilang unang pahinang nabasa ko kasi, wala namang elemento ng horror. Parang throwback lang dahil nga late 90s nangyari ang kwento. Pero napansin ko na habang panipis ng panipis ang natitirang pahina na babasahin ko, parami ng marami naman ang misteryong nauungkat. Tension build up. Ang mga kaibigan ko din ang nagsabi sa kin na tungkol sa bata o matanda na nakasilip sa back cover design ng libro. At kahit libro lang ang hawak ko, pakiramdam ko ay may malakas na sound effects na gumugulat pa rin sa akin.
“…pagdating ko sa kusina nabitiwan ko yung lighter kaya kinapa ‘ko pa sa sahig, pagtayo ko bigla akong napasigaw ng ‘shit’ dahit nasa harap ko na pala si Lola, hindi ko alam muntik ko pang mabunggo! Shit talaga, muntik akong maihi sa salawal… simula mamayang gabi hindi na talaga ako iinom ng tubig bago matulog!”
Ang liblib na lugar. Ang mga inosenteng bata. Ang malihim na matanda. Ang misteryosong mga tauhan na dumadalaw sa kalaliman ng gabi. At mga poon na sa totoong buhay ay kinakatakutan ko din. Ang pagbalikwas sa Katolisismo. Ang galit sa nakaraan. Ang takot sa hinaharap. At ang kalungkutan sa kasalukuyan. Ito ang mga sangkap na bumuo na mapanindig balahibong karanasan ni Galo.
Matapos kong basahin ang aklat (gabi ng Linggo, umaga kanina sa jeep papasok sa trabaho, at ngayon gabi), ilang minuto din akong tinindigan ng balahibo. Isang magandang akda. May WTF moment. At masasabi ko na sa larangan ng horror at mystery novel, may ilalaban ang mga kaibigan ni Mama Susan.
“Jezel, wala kang nakikita!”
“Kuya, kukunin ka na nya!”