Ang Irregular Student

Oo, tapos na ang unang linggo ng pasukan. At nakakapagod yun.

Ngayon ko lang napagtanto na mas nakakapagod palang mag-aral kapag kaunti lang ang subjects dahil sa kailangan mong pumunta sa eskwela para sa tatlong oras lamang na klase. Minsan kung mamalasin eh wala pang prof na darating (pero ang pag-absent ng prof ay madalas isang biyaya).
Nagsimula na ang aking buhay IRREGULAR STUDENT. Ayon sa student handbook:

7.2.2 Irregular student: one who is registered for formal credits but who carries less than the full load required in a given semester by his curriculum.

Ibigsabihin, ang kahit sinong estudyante na may units enrolled na mas mababa pa sa kanyang nakatakdang curriculum ay Irregular. Parang regla lang di ba. Ibig sabihin, hindi ka normal na estudyente. Ibigsabihin, petix. Pero madalas, dalawa lang ang klasipikasyon ng estudyanteng irregular: Isang tinamad at isang biktima ng kapalaran.

Ang Tinamad na Irregular ay isang irregular na kaya naging iregular ay dahil mas inuna ang rampa, ang dota, ang jowa, o kaya ay ang nongga. Ito yung mga naiwan ng mga kabatch na nag graduate na dahil may mga subjects pang naiwan na kung hindi singko ang nakuha, ay dropped, incomplete, or withdraw. Pero hindi naman sila bobo. Tinamad lang sila. Pwede naman yata yun. Ito yung mga ganado mag extend pa ng buhay sa paaralan at nae-enjoy pa buhay estudyante at nakaka discount pa rin sa bus o jeep.
Ang Irregular na Biktima ng Kapalaran ay mga irregular na estudyante na biktima lang naman talaga ng tadhana. Ito yung mga shiftees, transferees at returning students na may naiwan ding units dahil hindi sila pinayagang mag-overload nung mga nagdaang sem, o di kaya’y sinadya nilang wag munang kunin lahat o kaya nama’y may problema pa sa mga subjects na na-take na.
Isa ako sa huli. Curriculum 2001 ang gamit na curriculum sa Advertising and Public Relations nang pumasok ako sa Sintang Paaralan nung 2004. Pansamantala kong iniwan ang pagiging iskolar ng bayan para sa isang religious purpose noong 2006. Oha. Makalipas ang dalawang taon, muli kong binalikan ang PUP para magpatuloy bilang 3rd year student gamit ang bagong Curriculum 2006. At dahil loyal ako sa section na 1N, sa 3-1N ng SY 09-10 ako napabilang at tinawag ang klase na 1NightStands – isang makulay, magulo at masayang klase ng BAPR.
Ngayon, graduate na sila. May mga may raket na, at mayroon pa ring patuloy ang paghahanap. At may mga ilan pa ring naiwan sa 4th floor, west wing bilang Irreg.
 
Hindi biro maging irreg. Dahil niluma na ng panahon ang dating curriculum, napalitan na to  noong 2006. Ibigsabhin, may mga bagong unit na nadagdag. May ilang subjects narin akong kinuha mula sa ibang klase kahit enrolled ako sa 1N na block section, pero ang mga klaseng ‘yon ay sa loob lang ng BAPR Dept para hindi na rin mahirap makisama at hindi rin mawala ang grade sheet. Ngayon, iba ang kaso. May tatlong subjects ako ngayon. Tatlong klase. Tatlong period. Tatlong grupo ng mga estudyante na hindi ko kilala. Total stranger kumbaga.
Ang una ay sa AB History under ng subject na Rizal. Nito ko lang nalaman na mayroon palang ganung kurso sa peyups nung unang beses na pumasok ako sa kanila. Mahigit pitong irreg kami doon dahil ang naunang free section para sa nasabing subject ay nadissolved at tanging ang klase lang nila ang may offered ng subject na swak naman para sa mga graduating ngayong October. Naisip ko lang kung ano nga ba ang magiging trabaho ng mga AB History in the future. At infairness, magagaling sila magtagalog. Malalim. Lalo yung prof namin dun na parang naliligo na sa pawis pero keber lang siya, napakahusay makipagtalastasan.
Pangalawang period ko ay tatlong oras mula sa una kong subject. Kasama ko naman ang mga maiingay at kasinggulo ng BAPR na Marketing students, under ng MicroEco subject. Akala ko nga walang offered na MicroEco, muntik ko nang i-tutorial, kung saan kung graduating ka, babayaran mo ang tuition ng buong klase (around 4K) para makuha lang ang subject kapag hindi offered. Matapos akong pagpasa-pasahan ng College of Economics at CCMIT, nahanap ko din ang sked sa Dept of Marketing. Mukhang hindi naman sila mahirap pakisamahan dahil kasing aktibo din sila ng BAPR sa klase. Hindi nagkakalayo ng ugali. Yun nga lang, 57 kami. Masikip na. Nang unang beses akong pumasok dun, naabutan kong maingay ang klase, pero nang makita nila akong papalapit sa pinto, biglang silang tumahimik at nagsipanhik sa upuan. Parang nakakatawa na nakakabastos. Hahaha. Mayroon din akong 3 kasamang irreg  na puro babae.

Ang huling klase ko ay sa BAPR na, at kinatatakutan ko sa lahat -ang Math of Investment. Matagal kong pinagdasal na sana petix lang ang prof. Pero mukhang hindi sinagot ang aking dasal. Masipag at medyo terror na prof from PLM ang dumating na prof sa pangalawang araw ng klase. Napalunok nalang ako ng sabihin niya ang magiging sistema ng subject. Goodluck talaga. Tatlo kaming irreg sa subject na pawang mga taga BAPR din.
Sa ngayon, mayron pa rin akong isang subject na ipapa-credit. Naway, maapruban para hindi ko na i-take. Ayon sa kabatch kong nag returning din, inapprove naman ang subject na yun sa ibaba (ARO) pero hindi sa college of science. Cross finger pa rin ako.
At ito ang unang linggo ng pagiging irreg. Mas madalas ang pag-iisa. Mas madalas na pagkakamalang prof. Sana lang ito na ang huling sem sa Sintang Paaralan.——————————————————-
Photos courtesy of PUP Stolen Shots

Comments

comments

2 Comments on “Ang Irregular Student

  1. Oo gurl kase mukha ka nga daw di bang ethnic exhange student from cotabato? Haha.

    Thanks pauline.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *